
Umaasa si Senior Citizen Party-list Representative Rodolfo Ordanes na pakikinggan ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. ang mga panawagan na suspendehin o tapyasan pansamantala ang 12% Value-Added Tax (VAT).
Diin ni Ordanes, ang pagkamatay ng isang motorcycle taxi rider habang nakapila sa ayuda sa Quezon City ay patunay sa pangangailangan na suspendehin ang VAT kahit sa loob ng 90 araw sa harap ng nararansang krisis ngayon.
Paliwanag ni Ordanes, mabagal at may pinipiling benepisaryo ang ayuda kumpara sa VAT reduction na mas diretso ang tulong at mas mabilis na maramdaman ng bawat pamilyang Pilipino ang dulot nitong pagbaba sa presyo ng mga bilihin.
Ipinunto ni Ordanes na bagama’t bilyong piso ang mawawala sa koleksyon ng gobyerno kapag sinuspende o binawasan ang VAT ay dapat ding tingnan ang kabuuang gastos sa kasalukuyang sistema ng ayuda, kabilang ang admin costs, leakages, at oras na nasasayang sa pagpila ng mga benepisaryo.










