
Pupunta ang transport group MANIBELA sa tanggapan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) pagkatapos ng kanilang kilos-protesta sa Philcoa-Commonwealth Avenue, Quezon City ngayong Miyerkules ng umaga, July 22.
Ayon kay MANIBELA Chairman Mar Valbuena, plano nilang hilingin sa LTFRB na tanggalin na ang suspensyon sa pisong dagdag-pasahe sa mga public utility vehicle (PUV) at maghain ng petisyon na gawin itong dalawang piso.
Giit ni Valbuena, hindi naman ikayayaman ng mga tsuper at operator ang dalawang pisong dagdag-pasahe, pero malaking bagay ito para sa kanila, nang maibsan naman ang kanilang gastusin sa maintenance ng mga ipinapasadang sasakyan.
Sa kabilang banda, sinabi naman ni Valbuena na biglaan ang ikinasa nilang tigil-pasada, para ipaalam kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang hinaing ng mga manggagawa sa sektor ng transportasyon, ilang araw bago ang State of the Nation Address (SONA) ng pangulo.
Dagdag pa rito, lalahok din ang grupong MANIBELA sa mga kilos-protesta sa araw ng State of the Nation Address (SONA), hindi lang para manawagan sa ikabubuti ng sektor ng transportasyon kundi para makiisa rin sa panawagan ng publiko, gaya ng pagpapababa sa presyo ng bilihin at iba pa.










