Pagpapaigting ng seguridad sa Maynila, ipinag-utos ni MPD Dir. Francisco kaugnay sa SONA ni Pangulong Marcos

189

Ipinag-utos ni Manila Police District (MPD) Director PBGen. Leo Francisco sa lahat ng mga tauhan nito na paigtingin pa ang pagbabantay ng seguridad sa buong lungsod ng Maynila.

Ito’y may kaugnayan sa nalalapit na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa darating na Lunes, July 25, 2022.

Inatasan ni Gen. Francisco ang lahat ng station commanders ng Station 1 hanggang 14 na palaging magsagawa ng mga checkpoint operation upang maiwasan ang anumang uri ng krimen.


Maging ang ilang head ng unit ng MPD tulad ng SWAT, TMRU (Tactical Motorcycle Riding Unit) at ibang ng kawani ng kanilang tanggapan ay inalerto rin ng opisyal.

Nais ni Gen. Francisco na ma-monitor ng kaniyang mga tauhan ang seguridad sa Maynila ilang araw bago ang SONA ng pangulo lalo na’t sa kanilang lungsod matatagpuan ang pangunahing pantalan ng bansa kung saan dito dumadagsa ang ilang galing ng iba’t ibang probinsya.

Sinabi pa ni Francisco na papaigtingin pa nila ang pagpapatrolya at pag-iikot habang nakaantabay ang mga operatiba ng SWAT at TMRU sa mga kalye ng Maynila.



Kaugnay nito, wala pa namang natatanggap na impormasyon ang MPD hinggil sa pagbabanta sa seguridad sa nalalapit na SONA kung saan magpapatuloy ang mahigpit nilang pagbabantay hanggang sa susunod na linggo.

Facebook Comments