
Gagamitin ng mga ahensya ng gobyerno ang natitirang isang araw, partikular ang Huwebes, para maghanda sa posibleng hagupit ng Super Typhoon Inday, bago maranasan ang inaasahang malalakas na ulan sa darating na Byernes hanggang Sabado.
Diyan umikot ang pagpupulong ng mga ahensya ng gobyerno ngayong Miyerkules ng umaga, July 8 sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), kabilang ang Department of Social Welfare and Development (DSWD), Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), Mines and Geosciences Bureau, Department of Public Works and Highways (DPWH), at iba pa.
Ayon sa mga ahensya, noong nakaraang linggo pa sila naghanda para sa nasabing bagyo at nagpapatuloy pa rin umano ito hanggang ngayon.
Kabilang sa paghahanda na kanilang ginawa ay ang pagpe-preposition ng mga Family Food Packs at Non Food Items sa mga warehouse ng DSWD; pagsisiguro na 24/7 na may nakaantabay na personnel at sapat na krudo ang mga pumping stations; pagpuputol ng mga sanga ng punong kahoy na posibleng bumagsak sakaling lumakas ang hangin; paglilinis ng mga water drainage; pagtukoy sa mga barangay na prone sa baha at pagguho ng lupa, at marami pang iba.
Samantala, posible naman ipatupad ng mas maagang preemptive evacuation sa mga lugar, depende sa banta na nakikita ng mga lokal na pamahalaan.
Sa kabilang banda, nasa pagpapasya na umano ng mga lokal na pamahalaan kung kailangang suspendihin ang klase sa kanilang mga nasasakupan, base na rin sa advisory ng PAGASA.
Samantala, inaasahan naman na sa mainland China tatama ang nasabing bagyo sa darating na Linggo, habang hanggang bukas naman umano itong isasailalim sa kategorya ng Super Typhoon.










