Tuesday, May 19, 2026

Pagpapatupad ng ₱50 price cap sa kada kilo ng imported na bigas, posibleng palawigin

Posible umanong i-extend ng dalawang buwan ang dapat sana’y isang buwang pagpapatupad ng ₱50 na price cap sa mga 5% broken imported rice para ma-stabilize ang retail price nito sa mga pamilihan.

‘Yan ang pahayag ni Department of Agriculture (DA) Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., para protektahan umano ang mga konsyumer laban sa profiteering at pagpapatatag ng presyo ng bigas bunsod pa rin ng epekto ng girian sa Middle East.

Dagdag pa ni Laurel, wala pang ipinatutupad na Suggested Retail Price (SRP) ang DA para sa mga locally produced rice pero may panukala na umano tungkol dito na patuloy pa nilang pinag-aaralan.

Gayunpaman, posible pa rin umano itong ipatupad pero magiging iba-iba ang nasabing SRP sa bawat rehiyon, halimbawa na lang sa Metro Manila na posibleng pumalo sa ₱53 kada kilo ang SRP ng locally produced rice.

Samantala, nilinaw rin ni Laurel na hindi kailangang sumunod ng mga stakeholders at retailers sa SRP dahil magsisilbi lang umano itong guide para sa mga konsyumer at boluntaryong inisyatibo lang umano ito depende sa mga retailers.

Facebook Comments