
Iginiit muli ni Senator Erwin Tulfo ang pangangailangan na maipasa ang Media Workers’ Magna Carta Act matapos ang mapanganib na kinaharap ng mga myembro ng media sa shooting incident sa Senado noong Miyerkules.
Tinukoy ni Sen. Erwin na karamihan sa mga tauhan ng media na nagcocover sa Senado ay na-trauma matapos na masabak sa gitna ng barilan at halos lahat ay walang sapat na pagsasanay sa police o combat reporting.
Dahil sa tindi ng panganib na hinarap ng mga media nang sandaling iyon, muling hiniling ng senador ang agad na pagpapasa sa Senate Bill No. 249, o ang “Magna Carta for Workers in the Media and News Industry Act”.
Layunin ng panukalang batas ni Tulfo na gawing pamantayan ang minimum na sahod, overtime at night shift differential pay, security of tenure, hazard allowance, at mga benepisyo sa insurance para sa mga manggagawa sa media.
Binigyang-diin ni Tulfo na ang panukala ay hindi lamang tungkol sa pagpapabuti ng pangkabuhayang aspeto ng mga mamamahayag kundi pagkilala rin ito sa kanilang dignidad at karapatan habang sila ay nasa frontline para ipaglaban ang malayang pamamahayag.










