
Nagbabala si Senate Committee on Finance Chairman JV Ejercito na posibleng mauwi sa re-enacted budget ang 2027 national budget matapos ang suhestyon ng Makabayan bloc na i-recall o bawiin ng Kamara ang inaprubahang General Appropriations Bill (GAB).
Ipinare-recall ng Makabayan bloc ang House version ng 2027 national budget matapos ang deklarasyon ng Supreme Court na unconstitutional ang pangunahing probisyon ng 2024, 2025 at 2026 budget dahil marami sa mga idineklarang labag sa Saligang Batas ay makikita sa pambansang pondo ng susunod na taon.
Sinabi ni Ejercito na kapag nangyari ang pag-recall sa budget ay malaki ang tsansang hindi matatapos at hindi maipapasa sa itinakdang panahon ang 2027 national budget.
Paliwanag ng senador, napakasikip ng schedule ng Senado dahil sa November 9 ay magpapatuloy ang impeachment trial dagdag pa ang plenary sessions at ang budget hearings.
Target ng mataas na kapulungan na maaprubahan sa ikalawang linggo ng Disyembre ang 2027 GAB.
Dagdag pa ni Ejercito, nagkaroon naman sila ng inisyal na paguusap ng Kamara para pagkasunduin ang mga disagreeing provisions sa bersyon ng budget ng Kamara at ng Senado upang pagdating sa bicameral conference committee hindi na ganoon ka-problematic ang mga aayusin sa pambansang pondo.










