Pagpunta ni PBBM sa Singapore nitong weekend, kinumpirma ng Malacañang

91

Kinumpirma ng Malacañang ang pagpunta ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa Singapore nitong weekend.

Sa kanyang Facebook post, sinabi ni Press Secretary Trixie Cruz-Angeles na naging produktibo ang pagdalaw ng pangulo kung saan pinagtibay nito ang mga pangunahing usapan sa kanyang naging state visit sa Singapore kamakailan kasabay ang muling panghihikayat sa mga negosyante na mamuhunan sa Pilipinas.

Kalakip nito ang ibinahagi niyang Facebook post ng Singaporean politician na si Tan See Leng kung saan binati niya ang Mexican racing driver na si Sergio Perez sa pagkapanalo sa Singapore Grand Prix.


Kinumpirma rin ni Tan na nagkita sila ni Pangulong Marcos sa sidelines ng Grand Prix, gayundin si Palau President Surangel Whipps Jr., at iba pang opisyal mula sa Cambodia at Saudi Arabia.

Matatandaang binatikos ng ilang grupo ang pagbiyahe ni Pangulong Marcos sa Singapore nitong weekend para manood ng tinaguriang world most expensive race, ilang araw lang matapos bayuhin ng Super Typhoon Karding ang ilang mga probinsya sa Luzon.

Facebook Comments