Thursday, August 20, 2026

Ateneo de Zamboanga shooting, pinapaimbestigahan sa Kamara

Isinulong ng mga kongresista na maimbestigahan ng House of Representatives ang nangyaring pamamaril sa Ateneo de Zamboanga, kung saan dalawa ang nasawi kasama ang umano’y shooter.

Ayon kay Bagong Henerasyon Party-list Rep. Robert Nazal, target ng pagdinig ng Kamara na mabusisi ang papel ng online gaming at communication platforms sa pag-impluwensya sa mga kabataan, paghikayat o pagiging daan para gumawa ng karahasan.

Nakakabahala para kay Nazal ang mga insidente ng pamamaril sa mga eskwelahan kung saan ang mga suspek ay menor de edad at napakaraming katanungan na dapat masagot hinggil sa kaligtasan ng ating mga anak sa loob ng paaralan.

Sabi naman ni Zamboanga 1st District Rep. Katrina Chua-Tai, layunin ng imbestigasyon na malantad ang katotohanan ukol sa trahedya na sasagot sa mga katanungan kung bakit ito nangyari upang makapaglatag ng epektibong mga hakbang na titiyak sa kaligtasan at proteksyon ng mga estudyante sa mga paaralan.

Umaasa naman si House Deputy Minority Leader at ACT Teachers Party-list Rep. Antonio Tinio na matutukoy sa imbestigasyon kung saan nanggaling ang baril, paano ito nakarating sa kamay ng bata, at sino ang responsable sa pagbabantay nito na nagkaroon ng kapabayaan.

Facebook Comments