
Hindi na ikinagulat ni Senator Ping Lacson ang pagbawi ng dating tauhan ni dating Cong. Zaldy Co na si ex-Marine Orly Guteza sa kanyang testimonya tungkol sa paghahatid ng “basura” o kickback ng flood control projects kina dating Speaker Martin Romualdez, Pangulong Bongbong Marcos at iba pang opisyal.
Ayon kay Lacson, inaasahan na ang pagbawi ni Guteza sa kanyang mga pahayag matapos siyang i-“coach” ni Sen. Rodante Marcoleta sa pagdinig noong Setyembre 23—at matapos ding bumaliktad ang ilan sa mga “Maleta boys.”
Sinabi ni Lacson na hindi niya na ikinagulat ang pagbaligtad ni Guteza dahil “on-record” naman na “coached witness” siya ni Senator Rodante Marcoleta sa naging pagdinig noon ng Senate Blue Ribbon Committee.
Aniya, naging isang sentimo kada dosena o “one time a dozen” na ang baliktaran ng testimonya ng mga binansagang “maleta boys” kaya hindi na rin siya nagulat na sunod na bumaligtad na sa kanyang testimonya si Guteza.
Giit ni Lacson sa linggwahe ng mga mandurugas, “lagareng hapon” ang tawag sa ginawa ni Guteza na nakinabang sa parehong panig o doble-kita, o 40-40 vision.
Matatandaang si Guteza ay iniharap na surprise witness ni Marcoleta sa imbestigasyon ukol sa flood control anomalies noong si Lacson pa ang Chairman ng BRC subalit ngayon ay sinasabi ni Guteza na inutusan siya nina Marcoleta at dating. Cong. Mike Defensor na inutusan siyang gawan ng paratang sina Romualdez.










