
Aksaya lang sa oras para sa Malacañang ang pagsagot sa mga batikos ni Vice President Sara Duterte laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. matapos ang ikalimang State of the Nation Address (SONA).
Tugon ito ng Palasyo sa pahayag ni VP Sara na hindi na dapat paniwalaan pa ang Pangulo dahil hindi naman nito natupad ang kaniyang mga pangako tulad ng benteng bigas at ang paggamit niya ng presidential helicopter para makasama ang kaniyang mga anak.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, umiiral na ang programa ng ₱20 kada kilo ng bigas sa mga piling Kadiwa Center at patuloy pa itong pinalalawak kaya walang basehan ang pahayag ng bise presidente.
Kaugnay naman ng isyu sa presidential helicopter, sinabi ni Castro na napakalaki sana ng magiging gastos ng pamahalaan kung ipinatupad ang naturang kahilingan.
Gayunman, nilinaw niyang wala siyang personal na kaalaman kung nagkaroon nga ng ganoong kasunduan sa pagitan nina Marcos at Duterte noong sila ay magkaalyado pa.
Hindi na rin pinatulan ng Malacañang ang iba pang pahayag ni Duterte, kabilang ang pagdududa sa halalan sa 2028 at pagtawag sa kasalukuyang administrasyon bilang isang “dictatorship.”










