Tuesday, June 30, 2026

Pagsasampa ng kaso laban kay Sen. Marcoleta, planado

Iginiit ni Senator Rodante Marcoleta na planado ang pagsasampa ng kaso laban sa kanya.

Ito ang inilabas na pahayag ng senador sa kanyang Facebook post kaugnay sa sinabi ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na sasampahan na siya ngayong linggong ito ng kasong plunder kaugnay ng pagtanggap ng 75 million pesos na campaign donations.

Giit ni Marcoleta, planado ito para hindi matuloy ang itinutulak niyang imbestigasyon sa katiwalian sa flood control scam at para hindi siya makalahok sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte na magsisimula na sa Lunes, July 6.

Makikita aniya ang pattern sa mga nagdaang araw na mas uunahin umano ang mga tao na nagmamalasakit na palitawin ang katotohanan habang hindi inuusig ang responsable rito.

Tinukoy niya rin na meron nang demanda kay dating House Speaker Martin Romualdez na nakabinbin noong April 2026 pa habang ang ang inakusahan na dating kalihim ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na si dating Sec. Manuel Bonoan ay kinakasangkapan aniya para maging state witness.

Nakiusap din si Marcoleta na kahit mahirap ang kanyang sitwasyon ay huwag basta-basta papayag ang taumbayan na baluktutin ang katwiran.

Facebook Comments