Monday, June 29, 2026

Dating rebelde at 3 iba pa na ilegal na nagpapaputok ng baril, arestado matapos ang engkwentro sa pulisya

Arestado ng mga operatiba ng Provincial Investigation Unit, Provincial Mobile Forces Company, at Special Weapons and Tactics o SWAT ang 4 na indibidwal na kinabibilangan ng isang dating rebelde matapos makatanggap ng reklamo sa sunud-sunod na putok na baril na narinig sa Brgy. San Juan Baño, Arayat, Pampanga .

Nang dumating ang mga operatiba sa lugar ay nakumpirma nila ang ilegal na pagpapaputok ng baril ng mga nasabing naarestong suspek.

At nang kausapin umano ng mga awtoridad ang mga ito, ay nagpaputok sila ng baril na nagresulta sa palitan ng mga putok mula sa mga awtoridad na nagresulta naman sa pagkakasugat ng nasabing 4 na sangkot na dinala naman agad sa ospital.

Nakumpiska sa kanila ang .45 na baril, M16 rifle, 12-gauge shotgun, .38 revolver, Carbine at isang hand grenade.

Samantala, sa isinagawang background check, lumabas na ang isa sa mga suspek ay dating rebelde na kinilala sa alyas na “Ka Arlet” na dating namuno sa Pintados Group na nag-ooperate sa mga lalawigan ng Pampanga at Bulacan, at dating kaanib ng Rebolusyonaryong Hukbong Bayan (RHB).

Siya rin ay nakasuhan ng Murder na nadismissed din at sya ngayon ay nagtatrabaho bilang isang Forest Ranger sa Arayat, Pampanga.

Sa ngayon inaalam na rin ng awtoridad ang pagkakakilanlan ng tatlo pang suspek at ang posibleng kinalaman nila sa mga gawaing kriminal sa lugar.

Facebook Comments