
Iginiit ni House Deputy Minority Leader at ACT Teachers Party-list Rep. Antonio Tinio ang pagsasapubliko ng terms of the agreement sa pagitan ng Ombudsman at ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Sec. Manuel Bonoan.
Hirit ito ni Tinio makaraang ihayag ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla ang planong gawing state witness si Bonoan kaugnay sa flood control corruption.
Punto ni Tinio, hindi pa ba sapat ang testimonya ng mga state witness katulad nina dating DPWH Usec. Roberto Bernardo at may testimonya ba si Bonoan na magdidiin sa mga dating kasama niya sa gabinete na sangkot din sa flood control kasama ang pangulo mismo?
Para kay Tinio, hindi dapat makaligtas sa pananagutan si Bonoan dahil bilang dating kalihim ng DPWH ay ito ang may pinal na pasya sa preparasyon at paggastos ng pondo ng ahensya kasama ang mga budgetary insertions at malalaking kickbacks mula sa ghost at overpriced flood control projects.










