
Nanindigan ang House Prosecution Panel na karapat dapat tumestigo sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte ang pinagsusuntok nito noon na si former Davao City court sheriff Abe Andres.
si Andres ay kabilang sa testigo ng prosekusyon para sa ika-apat na Article of Impeachment na patungkol sa alegasyong pagbabanta ni Duterte sa buhay nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez.
Paliwanag ni House Prosecution Legal Spokesperson Atty. Benjamin Tolosa Jr., pinapayagan ng impeachment rules ang pagpresenta ng ebidensya na magpapakita ng behavioral pattern at nakaugaling pananakit o pagiging marahas ni VP Duterte.
Sabi naman ni House trial spokesperson Rep. Zia Alonto Adiong, ang magiging testimonya ni Andres ay makakatulong para masuri ang pananalita at mga aksyon ni VP Duterte na nagpapakita ng pag-abuso sa otoridad, palaging pagtakas sa parusa at pagturing sa sarili na higit sa mga umiiral na batas.
Diin ni Adiong, ang nabanggit na mga asal ni Duterte ay hindi dapat taglayin ng isang public official at malinaw na betrayal of public trust.
kasama rin sa mga testigo para sa Article 4 sina House Legislative Security Bureau Executive Director Belinda Bello, National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag at ilan pang NBI agents, gayundin ang Philippine National Police Firearms and Explosives Office representative.










