
Ipapa-subpoena ni Senator Risa Hontiveros sa susunod na pagdinig ng Senado ang CCTV footage na naglalaman ng pagtakas ng puganteng South Korean na si Na Ikheyon.
Ang dayuhan ay nakatakas noong nakaraang linggo sa mga kamay ng mga awtoridad habang dadalhin sana ito sa pagdinig sa korte dahil sa pagggamit ng Filipino identity sa Quezon City.
Ayon kay Hontiveros, kumpirmado sa CCTV na pinatakas ng mga awtoridad ang puganteng Koreano mula sa Bureau of Immigration (BI).
Nababahala ang mambabatas dahil kung hindi pa naisiwalat sa publiko ang impormasyong ito ay posibleng hindi nagkaroon ng manhunt at hindi rin naaresto ang Koreanong pugante.
Nanawagan si Hontiveros kay BI Commissioner Joel Anthony Viado na tiyaking mapapatawan ng pinakamahigpit na parusa ang BI officials na sangkot sa pagpapatakas sa pugante.
Giit pa ng senadora, mistulang “symptomatic” ang kapalpakan at mga paglabag ng BI sa paghawak ng mga nagkakasalang dayuhan at hindi mawala-wala ang korapsyon sa loob ng ahensya.