Sunday, August 16, 2026

8 sakay ng barko sa Batangas, inaresto ng PCG dahil sa ‘paihi’ ng langis

Naaresto ng Philippine Coast Guard (PCG) ang walong indibidwal matapos mabuking ang ginagawang paihi o ilegal na paglilipat ng mga produktong petrolyo.

Ayon sa PCG, ito ay matapos nilang madiskubre ang isang hindi dokumentadong fishing vessel sa karagatang sakop ng Tingloy, Batangas.

Nakaranas umano ang mga ito ng aberya sa makina ng sinasakyang barko kaya’t nirespondehan ng Coast Guard.

Pero dito nadiskubre ang mga hindi rin dokumentadong produktong petrolyo na tinatayang aabot sa 5,000 litro ang karga.

Patuloy naman ang case build-up ng PCG Legal Unit and Investigation and Detection Unit para matukoy kung saan nagmula at dadalhin ang mga ito, at kung sino ang may-ari, kabilang na kung legal ang produktong petrolyo.

Posibleng maharap sa paglabag sa patung-patong na reklamo ang walong naarestong sakay ng barko.

Facebook Comments