
Tiniyak ni Senator Ping Lacson na ngayong 2026 ay wala na ang tinatawag na “leadership fund”.
Kung matatandaan ay isiniwalat ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan na mayroong leadership fund sa ilalim ng noo’y Senate President Migz Zubiri na sinasabing may hawak ng listahan ng mga proyekto ng mga senador na may P500 million pondo bawat isa.
Ayon kay Lacson, pinakahuling taon na may leadership fund ay noong 2025 na nilikha ni Bonoan at ng dating DPWH Usec. Maria Catalina Cabral.
Nilinaw naman ni Lacson na hindi iligal ang leadership fund pero ito ay improper o hindi tama dahil ito ay posibleng maabuso at nakakasira sa budget cycle o process.
Sa halip aniya na gawin ang pagsasaayos sa mga kailangang proyekto sa local development councils o regional government councils na kasapi rin ang mga district representatives, ang nangyayari ay nababalewala ito dahil pag tapos ng consultation process ay nanghihimasok ang Kongreso kahit ito ay trabaho ng executive branch.
Nauna na ring ipinanawagan si Lacson na buwagin ang leadership fund o allocables sa pambansang budget na aniya’y isang mas masahol na bersyon ng pork barrel.










