
Nanawagan ang pamahalaang lungsod ng Marikina sa mga residente na panatilihing malinis at walang bara ang mga drainage at daluyan ng tubig.
Ito ay upang mapanatili ang epektibong flood mitigation at disaster preparedness matapos mapatunayang epektibo ang flood control infrastructure ng lungsod sa gitna ng ilang linggong pag-ulan dulot ng habagat.
Ayon kay Marikina Mayor Maan Teodoro, kailangan pa ring ipagpatuloy ang preventive flood-mitigation measures lalo na sa gitna ng pabago-bagong lagay ng panahon.
Noong nakaraang linggo, walang napaulat na pagbahang puminsala sa mga komunidad sa Marikina sa kabila ng pagiging kilala nito sa madalas na baha noon.
Pangunahing dahilan aniya nito ang regular na dredging ng Marikina River, buong taon na paglilinis at maintenance ng mga kanal at iba pang daluyan ng tubig, at pagpapalakas ng drainage capacity ng lungsod.
Pinuri naman ni Marikina 1st District Rep. Marcy Teodoro ang mga residente sa kanilang pagiging alerto at pakikipagtulungan sa disaster-preparedness efforts ng lungsod.










