
Naging maayos at matagumpay ang pinalawig na paghahain at pagbabayad ng Annual Income Tax Return.
Ito ang ipinagmalaki ng Bureau of Internal Revenue (BIR) kasunod ng pagtatapos ng isang buwang extension na ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para magkaroon ng mas mahabang panahon ang taxpayers.
Ayon kay BIR Commissioner Charlito Mendoza, naging maayos, kontrolado, at matagumpay ang huling araw ng filing and payment.
Nagpasalamat din ang opisyal sa taxpayers at sa mga kawani ng BIR sa kanilang pagtugon at pakikiisa sa panawagan ng ahensiya.
Samantala, ipinagmalaki ng BIR na umabot sa mahigit P422 billion ang kabuuang naging koleksiyon nila sa buong buwan ng Abril.
Mas mataas daw ito ng P12.7 billion o mahigit tatlong porsyento kumpara sa kanilang target.
Sinabi ni Mendoza na bahagi ito ng mas pinaigting na koleksiyon upang maabot din ang target nila na kita ngayong 2026.










