
Kinumpirma ng Korte Suprema na nagsumite na ng komento ang Office of the Solicitor General (OSG) kaugnay sa petisyong inihain ng kampo ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa.
Batay sa kopya ng tugon ng OSG, iginiit nilang maaaring ipatupad ng Ehekutibo ang arrest warrant ng International Criminal Court laban sa senador sa ilalim ng Republic Act No. 9851.
Hindi aniya kinakailangan pa ng hiwalay na warrant mula sa local court o anumang korte dito sa Pilipinas upang maipatupad ang arrest warrant ng ICC.
Binigyang-diin ng OSG ang nakasaad sa batas na may dalawang opsyon ang gobyerno kung isusuko o i-extradite ang isang akusado sa International Court kung saan may kaso ito.
Dahil dito, umapela sila sa Kataas-taasang Hukuman na huwag pagbigyan ang hiling ni Dela Rosa na TRO na layong pigilan ang pagpapatupad ng warrant at pagsuko sa kaniya sa ICC.
Tinawag din ng OSG ang mambabatas bilang pugante kung saan hindi anila pwedeng gamitin ang parliamentary immunity para makaiwas sa pananagutan.










