
Nagpaliwanag ang Malacañang sa birthday sabbatical post ni First Lady Liza Araneta-Marcos na umani ng batikos dahil sa timing nito, kasabay ng matinding pagbaha sa ilang lugar.
Sa kanyang post nitong Lunes, Agosto 17, sinabi ng first lady na magpapahinga muna siya para sa kanyang kaarawan, magre-recharge at babalik sa mga regular na gawain sa susunod na Lunes.
Ayon kay Palace Press Officer Usec. Claire Castro, nauunawaan ng first lady ang mga puna ng publiko, lalo na ng mga hindi natuwa sa kanyang post.
Pero nilinaw ni Castro na wala itong masamang intensyon at hindi nangangahulugang tumigil na sa pagtulong ang first lady.
Bago pa man ang sama ng panahon, abala na aniya ang first lady sa mga programa ng Lab for All, kabilang ang pamamahagi ng rice assistance sa mga senior citizen sa Negros Occidental.
Paliwanag pa ni Castro, ang mensaheng “stay safe and dry” sa post ay pagpapakita ng pag-aalala sa mga Pilipinong apektado ng baha at masamang panahon.
Sinabi rin ng Palasyo na wala pang naging birthday celebration ang first lady kasama ang pamilya o si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., dahil pinili muna niyang magpahinga matapos ang sunod-sunod na trabaho.










