
Mahigpit na ipatutupad ng Philippine National Police (PNP) ang pagbabantay laban sa mga mananamantala sa presyo ng mga bilihin at sa mga magtatago ng suplay ng produktong agrikultura kasunod ng nararanasang sama ng panahon sa bansa.
Ayon kay PNP Chief General Jose Melencio Nartatez Jr., pananatilihin ng PNP ang strikto nitong zero-tolerance laban sa mga indibidwal na susubukang magtaas ng presyo sa mga bilihin.
Aniya, makikipag-ugnayan ang mga lokal na unit ng pulisya sa mga kaugnay na ahensiya ng pamahalaan para sa mga ulat ng overpricing, hoarding at profiteering.
Nanawagan si Nartatez sa mga nagbebenta na gawin nilang patas ang presyo at makatarungan habang nagrerekober pa ang komunidad na naapektuhan ng nasabing sama ng panahon.
Hinimok rin ni Nartatez ang publiko na i-report sa awtoridad sakaling magkaroon ng overpricing o anumang iregularidad ukol dito.










