Monday, July 13, 2026

PAMAMAHAGI NG CASH GIFT SA MGA KWALIPIKADONG SENIOR CITIZENS SA REHIYON I, PATULOY

Patuloy na ipinatutupad ng National Commission of Senior Citizens (NCSC) ang pamamahagi ng Second Quarter Cash Gift Distribution (CGD) para sa mga kwalipikadong benepisyaryo ng Republic Act No. 11982 o ang Expanded Centenarian Act sa iba’t ibang lokal na pamahalaan sa Rehiyon I.

Bilang bahagi ng programa, nagtungo sa tanggapan ng NCSC Region I ang ilang senior citizens na hindi nakadalo sa isinagawang pamamahagi ng cash gift noong Hulyo 7 sa Barangay Poro, San Fernando City, La Union upang personal na i-claim ang kanilang benepisyo.

Pinangunahan ni Mr. Immanuel C. Quiban, PDO IV, ang pamamahagi ng cash gift upang matiyak na matatanggap ng mga kwalipikadong Octogenarians, Nonagenarians, at Centenarians ang insentibong ipinagkakaloob sa ilalim ng batas.

Bahagi umano ito ng kanilang patuloy na pagsisikap ang pagtiyak na walang kwalipikadong benepisyaryo ang mapag-iiwanan sa pagtanggap ng cash gift, kabilang ang mga hindi nakadalo sa itinakdang iskedyul ng distribusyon.

Sa pamamagitan ng programang ito, muling pinagtitibay ng NCSC ang kanilang pangako na maiparating ang nararapat na pagkilala at suporta sa mga nakatatandang Pilipino bilang pagkilala sa kanilang mahalagang ambag sa lipunan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments