Friday, July 17, 2026

Panawagan ni PBBM na reconciliation sa mga Duterte, hindi dahilan para isantabi ang impeachment ni VP Sara

Iginiit ng Malacañang na hindi nabubura ng hangarin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na makipagkasundo sa lahat, kabilang ang pamilya Duterte, ang mga isyung nakapaloob sa impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte.

Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, walang kinalaman ang panawagan ng Pangulo para sa pagkakaisa sa mga alegasyong kinahaharap ng Bise Presidente.

Binigyang-diin ni Castro na hindi lamang umano grave threats ang usapin sa impeachment, kundi pati ang asal at pagiging karapat-dapat ng isang opisyal na humahawak ng mataas na posisyon sa pamahalaan.

Dagdag pa niya, layunin ng impeachment trial na alamin kung ang isang lider ay nananatiling karapat-dapat sa kanyang posisyon at sa tiwalang ibinibigay ng taumbayan.

Gayunpaman, ang taumbayan aniya ang huhusga kung karapat-dapat pang pagkatiwalaan si Vice President Sara Duterte sa mas mataas na tungkulin sa hinaharap.

Facebook Comments