
Iginiit ng Malacañang na matagal nang naimbestigahan at naabsuwelto si dating Bases Conversion and Development Authority o BCDA President at ngayo’y Department of Public Works and Highways (DPWH) Sec. Vince Dizon kaugnay ng umano’y anomalya sa 2019 Southeast Asian o SEA Games.
Ito ay matapos sabihin ni Sen. Alan Peter Cayetano na hindi siya ang dapat iturong responsable sa isyu dahil ang pagpapatupad ng mga proyekto noon ay nasa ilalim ng BCDA na pinamunuan ni Dizon.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, hindi umano sumailalim sa pormal na imbestigasyon si Cayetano dahil agad na siyang nilinis ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa pagtatapos ng press briefing, sinabi naman ni Castro na walang dapat ikatakot ang sinumang nahaharap sa imbestigasyon kung wala itong itinatago.










