
Hindi dapat nagdudulot ng pinsala sa kapakanan ng ibang mamamayan ang mga pagsusulong sa pananagutan at katarungan.
Ito ang binigyang-diin ni Kidapawan Bishop at Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) Episcopal Commission on InterReligious Dialogue Chairperson Bishop Jose Colin Bagaforo sa gitna ng isinasagawang biglaang kilos-protesta ng grupong Iglesia ni Cristo (INC) sa EDSA People Power Monument sa Quezon City.
Ayon sa obispo, bagama’t karapatan ng bawat mamamayan na magpahayag ng kanilang saloobin at panagutin ang mga institusyon ay dapat balansehin pa rin ang kalayaan at pagmamahal sa mga kapwa Pilipino.
Tungkulin aniya ng mga lider at organizer na siguruhin ang kaligtasan ng publiko, kapayapaan at pagsunod sa batas.
Sinabi pa ni Bagaforo na mahalagang dumaan sa legal na proseso ang paghahanap ng katarungan at pananagutan sa halip na makadagdag sa paghihirap ng publiko.
Tinukoy nito ang matinding epekto ng pagsikip ng daloy ng trapiko sa mga pangunahing kalsada na nakaapekto sa mga manggagawa, estudyante, at maging sa emergency services.
Nanawagan naman ang obispo sa mga awtoridad na pairalin ang maximum tolerance at tiyaking mapoprotektahan ang lahat ng nasa pagtitipon.
Sa huli, sinabi ni Bishop Bagaforo na dalangin niyang manaig ang katotohanan, katarungan, pananagutan, at paggalang sa isa’t isa alang-alang sa kapakanan ng bansa.










