Tuesday, June 30, 2026

Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano, hinikayat ang mga Pilipino na makilahok sa mga pagkilos sa EDSA at sa mga komunidad

Nanawagan si Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano sa mga Pilipino na makilahok sa mga kilos-protesta sa EDSA at kahit sa mga komunidad para sa pagpapahayag ng mga paninindigan sa mga napapanahong isyu.

Ginawa ni Cayetano ang pahayag sa kanyang Facebook Live sa gitna ng kilos-protesta ng Iglesia Ni Cristo (INC) ngayong araw para magpakita ng suporta kay Senator Rodante Marcoleta na nahaharap sa posibleng pagsasampa ng kaso sa Sandiganbayan kaugnay sa pagtanggap ng campaign donations.

Partikular na hinikayat ni Cayetano ang mga nasa Greater Metro Manila na magpakita ng mga boses at sumali sa kilos protesta sa EDSA.

Kasabay nito ay hinimok din ng senador ang publiko na maging aktibo sa pagbabahagi ng impormasyon sa kanilang mga social media accounts upang tulungan ang mas maraming Pilipino na mamulat sa mga nangyayari sa bansa.

Binigyang-diin pa ni Cayetano na dahil sa kawalan ng hustisya ay iba-iba ang nagiging takbuhan ng mga Pilipino para magpahayag ng saloobin kaya ang pakiusap niya sa mga law enforcers ay igalang ang karapatan sa mapayapang pagsasagawa ng protesta.

Dagdag pa ng Senate minority leader na importante na maramdaman ng gobyerno na mali ang kanilang ginagawa at hindi sila papayag na pagtakpan ang katotohanan.

Facebook Comments