Mas pinagtibay ng Pangasinan Police Provincial Office (PPO) ang kanilang kampanya para sa kapayapaan at kaayusan sa lalawigan matapos makapagtala ng serye ng matagumpay na operasyon mula Abril 20 hanggang 26, 2026.
Sa loob ng isang linggong operasyon, 10 anti-illegal drug operations ang naisagawa kung saan 12 katao ang naaresto.
Nasamsam din ang 26.23 gramo ng shabu at 5 gramo ng marijuana na may kabuuang halagang PhP 178,984.00.
Samantala, bahagi rin ng pinaigting na anti-criminality drive ang pagdakip sa 7 indibidwal na sangkot sa ilegal na sugal, kung saan narekober ang PhP4,788.00.
May naaresto rin sa anti-smuggling operation na may kasamang kontrabando na nagkakahalaga ng PhP3,440.00, gayundin ang isang kaso ng paglabag sa batas ng baril.
Bukod pa rito, 29 na wanted persons ang natunton at naaresto sa iba’t ibang lugar sa lalawigan.
Sa kabila ng mga operasyong ito, binigyang-diin ng pulisya ang kahalagahan ng koordinasyon ng kapulisan at ng komunidad sa pagpapatupad ng batas.
Tiniyak naman ng Pangasinan PPO na magpapatuloy ang kanilang mas pinaigting na operasyon upang mapanatili ang seguridad at katahimikan sa buong lalawigan ng Pangasinan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣









