Kinatigan ng mga awtoridad ang matagumpay na pagdaraos ng Centennial Canonical Coronation at Grand Procession ng Our Lady of Manaoag noong Abril 22, na naisagawa nang walang naitalang nasawi at walang insidente ng sunog.
Batay sa post-assessment ng mga kinauukulan, 208 indibidwal ang nabigyan ng agarang tulong medikal ng Municipal Health Office dahil sa mga karaniwang karamdaman tulad ng pagkahilo, dehydration, at altapresyon. Lahat ng kaso ay naagapan at hindi na kinailangang dalhin sa mas malubhang kondisyon.
Walang naiulat na krimen o kaguluhan sa buong selebrasyon, bunsod ng mahigpit na seguridad na ipinatupad ng kapulisan sa lugar.
Kinumpirma rin ng Bureau of Fire Protection na naging ligtas ang buong aktibidad mula sa anumang insidente ng sunog.
Ayon sa Office of Civil Defense, naging epektibo ang implementasyon ng Incident Action Plan ng Incident Management Team, ngunit may ilang bahagi pa umanong maaari pang mapabuti para sa mas organisadong pagsasagawa ng mga susunod na malalaking okasyon.
Nauna nang inihayag ni Manaoag Mayor Jeremy Rosario, na matagumpay ang pagdaraos ng engrandeng koronasyon at kapistahan sa bayan dahil sa maagap na pagpaplano ng mga awtoridad at pamunuan ng simbahan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










