Cauayan City – Matagumpay na isinagawa ang pangatlong Information and Education Campaign (IEC) sa Quirino State University (QSU) – Cabarroguis Campus.
Ito ay sa pangunguna ng National Intelligence Coordinating Agency Region 2, katuwang ang 86th Infantry “Highlander” Battalion at 204th Community Defense Center, 2nd Regional Community Defense Group, Reserve Command, at Philippine Army.
Mahigit 1,000 estudyante mula sa National Service Training Program (NSTP) ang nakiisa sa layuning palawakin ang kamalayan ng kabataan laban sa mapanlinlang na panghihikayat ng mga Communist Terrorist Group.
Sa talakayan, ipinaliwanag ang mga taktikang ginagamit ng CTG upang makaakit ng mga kabataan at ang kahalagahan ng maingat na pagdedesisyon sa pagpili ng mga grupong sinasalihan na nagbigay ng mas malalim na pag-unawa sa panganib na dulot ng terorismo at kung paano ito maiiwasan.
Layunin nitong palakasin ang kakayahan ng kabataan na maging matatag sa harap ng mga banta ng CTG.
Ayon sa 86IB, patuloy nilang paiigtingin ang pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno upang maprotektahan ang kabataan at mapanatili ang seguridad ng mga komunidad.