Panghuli sa 3 na Nalunod sa Cagayan River, Narekober na

65

Cauayan City, Isabela- Natagpuan na pasado alas 10:00 ngayong umaga, Agosto 9, 2020 ang panghuli na nawawala sa tatlong (3) nalunod sa Cagayan river na sakop ng Barangay Baringin Norte, Cauayan City, Isabela.


Sa nakuhang impormasyon ng 98.5 iFM Cauayan mula sa mapagkakatiwalaang source, nakita ang palutang-lutang na bangkay ng biktimang si Jessa Ballad, 15 taong gulang, grade 9 student, residente ng Brgy. Labinab ng Cauayan City ng kanyang mismong tito na si Domingo Taguinod sa Ilog Cagayan sa bahagi ng Palattao, Naguilian matapos ang dalawang (2) araw na paghahanap kasama ang pamilya ng biktima.

Kasalukuyang inaangat sa ilog ng pamilya at kaanak ang bangkay ng biktima at nakatakda itong dalhin sa punerarya.

Una nang narekober kahapon ang bangkay ng dalawa pang biktima na kinilalang sina Precious Calati, 12 taong gulang, residente ng Brgy Labinab at Nerish Domingo, residente ng Brgy. Duminit, Cauayan City, Isabela.

Magugunita noong ika-7 ng Agosto ng pasado alas 3:00 ng hapon nang magtungo sa ilog ang mga biktima para maligo at magpicnic.

Habang sila ay naliligo sa gilid ng ilog ay bigla na lamang naanod ang tatlong biktima habang maswerte namang nakaligtas ang dalawa nilang kasama.

Ayon sa unang impormasyon na ibinahagi ng mapagkakatiwalaang source, nabanggit umano ng bata na isa sa mga nakaligtas na tumaob umano ang bangkang sinakyan ng mga biktima subalit kinabukasan ay napag-alaman na aksidenteng naanod ang mga biktima.




Facebook Comments