
Mariing itinanggi ng Malacañang ang hinala ni Vice President Sara Duterte na gagamitin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Charter Change para manatili sa poder.
Tinawag ni Palace Press Officer Claire Castro na “walang basehan” at “walang sustansya” ang pahayag ng Bise Presidente.
Nauna nang sinabi ni VP Sara na inuuna umano ng administrasyon ang pagpapakulong sa mga sangkot sa kaso sa ICC gaya nina dating Pangulong Rodrigo Duterte at Senator Bato dela Rosa bago isulong ang Cha-cha.
Ayon kay VP Sara, posibleng hindi na bumaba sa pwesto ang pangulo kapag natuloy ang Charter Change, batay umano sa naging pahayag nito sa international media at sa naunang babala ng dating pangulo.
Pero sagot ni Castro, nakakahiyang seryosohin ang mga akusasyong walang ebidensya.
Iginiit din ng Palasyo na dapat nakatuon ang mga opisyal sa serbisyo publiko at hindi sa intriga at pagpapakalat umano ng fake news.










