
Inihayag ni House Senior Deputy Minority Leader at Mamamayang Liberal (ML) Party-list Representative Leila de Lima ang planong paghahain ng panukalag batas para i-decriminalize ang libel at cyber libel.
Katwiran ni De Lima, sa ngayon ay nagagamit lang ang libel laws ng mga makapangyarihan at maipluwensyang personalidad para atakehin ang press freedom at pahinain ang demokrasya.
Ayon kay De Lima, dapat managot ang sinumang umaabuso ng karapatan sa pamamahayag pero hindi katanggap-tanggap na gamiting itong sandata para supilin ang karapatang ito.
Hinggil dito ay iginiit ni De Lima na huwag na ring magkunwari o magpalusot ang mga nagsasampa ng kasong libelo at cyber libel para manindak at patahimikin ang mga mamamahayag.
Diin ni De Lima, alam naman ng kung sino ang mga naninira lang at nagkakalat ng fake news and disinformation, at sino ang mga lehitimong media, journalists at seryosong nagtataguyod ng katotohanan at pananagutan.










