
Patay ang dalawang tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) matapos na pagbabarilin ng dalawang hindi pa nakikilalang mga suspek sa Poblacion 6, Cotabato City kaninang tanghali.
Ito ay kinumpirma ni Police Regional Office–Bangsamoro Autonomous Region Spokesperson Capt. Steffi Salanguit.
Ayon sa ulat ng pulisya, sakay ang dalawang biktima kasama ng kanilang station commander ng isang ssakyan at patungo sana sa PCG Cotabato City Station nang pagbabarilin ng mga suspek na sakay naman isang motorsiklo.
Nagtamo ng tama ng bala sa likod ng ulo ang isa sa mga biktima na dineklarang dead on arrival nang dalhin ito sa ospital.
Habang ang isa pang biktima ay nagtamo naman ng tama ng bala sa kaliwang parte ng ulo at dinala rin sa ospital ngunit kalaunan ay nasawi rin.
Samantala ang station commander naman nila ay nakatakas at hindi nasaktan sa insidente at sa ngayon ay nasa kustodiya ito ng Police Station 1 para sa karagdagang imbestigasyon.
Narekober sa insidente ang pitong basyo ng bala na pinaniniwalaang nagmula sa 9mm calibre na baril.
Tinitingnan namang may kaugnayan sa personal na alitan sa trabaho ang nasabing pamamaril.
Patuloy naman ang imbestigasyon sa insidente at kinukuha na rin an CCTV footage sa nasabing krimen.










