Friday, October 23, 2026

Comelec, ipinag-utos sa mga kandidato sa special election sa Batanes na irehistro ang kanilang official online campaign platforms; survey, inilabas sa apat na kandidato

Inatasan ng Commission on Elections (Comelec) ang mga kandidato sa gagawing special election sa Batanes na iparehistro ang kanilang mga official online campaign platforms.

Sa nasabing abiso, pinayuhan ang mga kandidato na iparehistro hanggang Nov. 16 ang kanilang official social media accounts at pages, websites, podcasts, blogs, vlogs at iba pang internet-based campaign platforms sa education and information department ng Comelec.

Nabatid na ang special election na ikakasa ng Comelec sa Batanes ay para punan ang nabakanteng pwesto ni Rep. Ciriaco Gato Jr. na nasawi noong nakaraang buwan.

Nauna ng natapos ng Comelec ang pag-iimprenta ng 13,138 official ballots para sa special election sa Nov. 28 kung saan apat na kandidato ang maglalaban-laban na sina sina dating Gobernador Malou Cayco na nangunguna sa survey na may 32%, pangalawa si retired Navy Commodore Ike de Sagon na may 31%, Luis Abad ng Liberal Party na may 15% at John Gato ng Nationalist People’s Coalition na nakakuha ng 10%.

Ginawa ng Spheres Research Services Inc. ang survey noong Oktubre 10 hanggang 15 sa 600 rehistradong botante sa buong Batanes, na may margin of error na plus o minus 4 percentage points kung saan 12% ang undecided.

Nabatid na base sa survey, nangunguna sa mga botanteng may edad 18 hanggang 45-anyos si De Sagon habang si Cayco naman ang mas pinili o pinapaboran ng mga may edad 46 hanggang 60 l-anyos pataas.

Dahil sa dikit na resulta at margin of error, hindi pa tiyak ang kasalukuyang puwesto ng mga kandidato lalo na’t mahalaga rin ang desisyon ng 12% sa mga undecided sa nalalapit na special election.

Facebook Comments