LOLA, NASAWI MATAPOS MASAGASAAN NG ISANG BUS HABANG NAMAMALIMOS SA TULAY SA CARMEN, ROSALES

Dead on arrival sa pagamutan ang isang 64 anyos na ginang matapos masagasaan ng isang bus habang namamalimos umano sa Don Teofilo Sison Bridge Brgy. Carmen West, Rosales, Pangasinan, noong gabi ng Biyernes, Abril 24.

Sa panayam kay Rosales Municipal Police Station Case Investigator na si PSMS Fernando Gomez, hindi umano namalayan ng drayber ng bus ang biktima habang binabaybay ang tulay. Ayon sa kanya, bagamat sinubukan nitong iwasan ang biktima na nasa gitna ng tulay nang mangyari ang insidente, nasagasaan pa rin umano ito.

Naitakbo naman agad sa pagamutan ang biktima ngunit binawian na ng buhay.

Ayon kay Gomez, matagal nang nasisita ng mga motorista at awtoridad ang biktima na namamalimos sa gitna ng tulay ngunit hindi pa rin umano ito naaawat.

Samantala, nasa kustodiya ng pulisya ang driver ng bus ngunit hindi na umano kakasuhan matapos magkasundo sa pinansyal na tulong sa libing at para sa naiwang pamilya ng biktima.

Facebook Comments