Tinalakay sa pagdinig ng Komite sa Transportasyon ng Sangguniang Panlungsod noong Hunyo 4 ang panukalang pagtaas ng pamasahe ng mga tricycle sa lungsod.
Dumalo sa talakayan ang mga kinatawan ng Lokal na Pamahalaan ng Alaminos City, apat na pangulo ng mga Tricycle Operators and Drivers Association (TODA), mga kawani ng Public Order and Safety Office (POSO), Transportation Regulation Unit (TRU), at mga kinatawan ng mga pasahero.
Kabilang sa mga pangunahing panukala ang pagtaas ng minimum na pamasahe mula ₱10 tungo sa ₱12.50 para sa unang kilometro ng biyahe. Tinalakay rin ang mungkahing paglilimita sa tatlong pasahero kada biyahe at ang pagtatakda ng hiwalay na singil para sa mga espesyal o special trips.
Gayunman, iminungkahi ng mga pangulo ng TODA na panatilihin sa apat ang bilang ng mga pasaherong maaaring isakay sa bawat biyahe. Iminungkahi rin nila na ang pamasahe para sa special trip ay itakda sa tatlong ulit ng regular na pamasahe.
Binigyang-diin naman ng Lokal na Pamahalaan ang kahalagahan ng malawakang information campaign sakaling maaprubahan ang panukala upang matiyak na lubos itong mauunawaan ng publiko at maiwasan ang kalituhan sa pagpapatupad.
Ayon sa mga opisyal, ihaharap ang panukala sa susunod na regular na sesyon ng Sangguniang Panlungsod para sa mas malalim na pagtalakay bago ito tuluyang mapagdesisyunan.
Samantala, patuloy na hinihintay ng mga transport group at mga commuter ang magiging resulta ng deliberasyon kaugnay ng panukalang fare adjustment sa lungsod. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣








