
Hinamon ng Malacañang ang mga nagbibintang laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na maglatag ng ebidensya at hindi puro alegasyon.
Ito ay kasunod ng testimonya sa Senado ni Bernard Tube, na nagpakilalang dating marine at dating empleyado umano ni Zaldy Co.
Ayon kay Tube, minsan umano siyang nakasama sa pagdadala ng mga maletang may lamang pera sa bahay ng pangulo sa Paoay, Ilocos Norte.
Sinabi ni Palace Press Officer at PCO Undersecretary Claire Castro na hindi sapat ang mga paratang kung wala namang maipakitang matibay na patunay.
Binigyang-diin ni Castro na madaling magbintang, lalo na kung ang layunin ay sirain o guluhin ang pamahalaan.
Dahil dito, hinikayat niya ang mga naglalabas ng alegasyon na magsumite ng mga dokumento at iba pang konkretong ebidensya upang mapatunayan ang kanilang mga sinasabi.
Giit ni Castro, dapat nakabatay sa katotohanan at ebidensya ang anumang akusasyon at hindi sa salita lamang.










