TUMATAGAS NA TUBIG-ULAN SA MALASIQUI PUBLIC MARKET, UNTI-UNTI NANG KINUKUMPUNI

Unti-unti nang kinukumpuni ang mga bahaging may tagas sa Malasiqui Public Market kasabay ng patuloy na nararanasang pag-ulan sa bayan.

Sa panayam ng IFM News Dagupan, sinabi ng Market Supervisor ng naturang pamilihan na isinasagawa na ang pagsasaayos sa ilang bahagi ng bubong at pasilidad ng pamilihan na matagal nang pinagmumulan ng pagpasok ng tubig tuwing malalakas ang buhos ng ulan.

Kabilang sa mga naapektuhan ng tagas ang mga puwesto ng nagbebenta ng cellphone, dry goods, at lutong pagkain.

Ayon sa ilang manlalakp, napipilitan umano silang maglagay ng pansamantalang pantapal at iligpit ang kanilang mga paninda upang maiwasan ang pagkasira ng mga ito.

Ayon sa ilang tindero, ilang beses na umanong naisaayos ang ilang butas sa bubong ngunit muling nagkakaroon ng tagas kapag tumitindi ang ulan.

Gayunman, umaasa silang magiging mas maayos na ang kalagayan ng pamilihan sa patuloy na pagkukumpuni.

Siniguro naman ng pamunuan ng pamilihan na patuloy silang nakikipag-ugnayan sa lokal na pamahalaan para mapabilis ang pagkukumpuni sa problema ng pagtagas ng tubig sa pamilihan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments