
Pinaalalahanan ng Commission on Elections (Comelec) ang mga tatakbo sa 2025 Midterm Elections na tumalima sa sinasaad ng patakaran hinggil sa Statement of Contributions and Expenditures (SOCE).
Sa harap ito nang ilalabas ngayong araw na regulasyon ng Comelec En Banc ukol sa SOCE.
Sa Kapihan sa Manila Bay, sinabi ni Comelec Chairman George Erwin Garcia na saklaw ng SOCE ang lahat ng gastos sa kampanya kasama ang pakain sa mga political rally, gastos sa sound system, at mga haharap na celebrity o influencer.
Paliwanag pa ni Garcia na hindi nila tatanggapin na libre ang gastos sa mga ito dahil kasama sa SOCE maging ang donasyon na makukuha ng isang kandidato.
Babala pa ng Comelec chairman na madidiskuwalipika sa pagsali sa mga susunod na halalan ang sinumang kandidato na mabibigong magsumite ng SOCE sa dalawang magkasunod na sinalihan nitong halalan.