
Ipinaalala ni Senate Impeachment Court Spokesperson Atty. Reginald Tongol na mas sakop ng subjudice rule ang mga senator-judges.
Kaugnay ito sa naging post ni Senator-judge Robin Padilla sa kanyang social media account kung saan sinabi nitong duplicate at hindi maituturing na original ang kopya ng video na ipinalabas sa impeachment trial kung saan nangyari ang diumano’y pagbabanta ni Vice President Sara Duterte sa buhay ni Pangulong Bongbong Marcos.
Ayon kay Tongol, mas sakop ng subjudice rule ang mga senator-judges dahil bilang political process ang impeachment trial, anumang opinyon tungkol sa merito ng kaso ay maaaring magkaroon ng impresyon na hindi patas ang paglilitis.
Posible rin aniyang mabalewala ang ginagawang trial kung makikitaan ang mga senator-judges ng impropriety o pagiging bias o prejudice.
Paliwanag pa ni Tongol, pinagiingat ang mga senator-judges sa ilalim ng impeachment rules upang hindi mawalan ng respeto at ng kumpyansa ang publiko sa magiging desisyon ng impeachment court.










