
Sisimulan na ng pamahalaan ang konstruksyon ng NAIA Terminal 3 Station ng Metro Manila Subway sa Pasay City.
Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang groundbreaking ceremony ng proyekto ngayong araw, September 16, 2026.
Layunin ng proyekto na magkaroon ng direktang subway connection ang Ninoy Aquino International Airport (NAIA) para mapabilis ang biyahe ng mga pasahero at mabawasan ang epekto ng matinding traffic sa Metro Manila.
Kapag fully operational na ang subway, bababa sa 40 minuto ang biyahe mula Valenzuela hanggang NAIA, kumpara sa kasalukuyang tinatayang isang oras at 30 minuto.
Bahagi ang NAIA T3 Station ng Contract Package 109, na kinabibilangan ng underground station at connecting tunnels sa pagitan ng Taguig at Pasay.
Ayon sa pangulo, nasa halos 60 porsyento na ang overall progress ng 33-kilometrong Metro Manila Subway, habang kumpleto na ang right-of-way sa lugar ng NAIA T3 Station.
May kabuuang 17 istasyon ang proyekto. Target ang demonstration run sa 2028 at full operation pagsapit ng 2031.










