
Pinapatawag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Kongreso sa isang special session sa Hunyo 17 upang mapabilis ang pagpasa ng mga panukalang batas na magbibigay ng dagdag na tulong at proteksyon sa mga Pilipino.
Sa ilalim ng Proclamation No. 1318, inatasan ng pangulo ang mga mambabatas na agad talakayin ang mga panukalang nakabinbin pa sa Kongreso.
Ayon kay Pangulong Marcos, kailangang mapabilis ang pagpasa ng mga batas na makatutulong sa mga pamilyang naapektuhan ng lindol sa Mindanao, mga estudyante, senior citizen, kabataan, at iba pang sektor na nangangailangan ng suporta ng pamahalaan.
Kabilang sa mga prayoridad na panukala ang AICS Act o ayuda para sa mga nasa krisis, pagpapalawak ng suporta sa edukasyon, pagpapabuti ng serbisyong pangkalusugan para sa mga nakatatanda, pagpapalakas ng school feeding program, at pagpapaunlad ng mga paaralan sa malalayong lugar.
Kasama rin sa agenda ang Anti-Political Dynasty Law at Presidential Merit Scholarship Program.
Tatalakayin din sa special session ang mga nakabinbing appointment sa gabinete, militar, at foreign service upang matiyak ang tuloy-tuloy na serbisyo ng pamahalaan.
Umaasa naman ang administrasyon na uunahin ng Kongreso ang mga panukalang direktang makatutulong sa mamamayan.










