
Kinumpirma ng Philippine Coast Guard na narekober na ang lahat ng mga indibidwal na napaulat na nawawala matapos gumuho ang isang supermarket sa Barangay Calumpang, General Santos City.
Ito ay matapos ang tatlong araw na tuloy-tuloy na search, rescue, at retrieval operations ng iba’t ibang ahensiya katuwang ang Philippine Coast Guard (PCG).
Ayon sa PCG, natukoy ng Philippine Red Cross (PRC) ang huling biktima gamit ang human detector device kung saan hinanap ang posibleng lokasyon nito sa ilalim ng mga debris.
Nahanap naman bandang alas-5:30 ng hapon kahapon ang biktima makalipas ang ilang oras sa tulong ng Bureau of Fire Protection Special Rescue Force.
Pero inabot ng hanggang pasado alas-onse ng gabi kagabi ang retrieval operation bago ito dalhin sa isang punerarya.
Nakilala ang biktima na isang 28 taong gulang na babae mula Cotabato City na pinaniniwalaang huling na-trap sa loob ng gumuhong gusali.
Dahil dito, tinapos na ng Incident Commander ang operasyon matapos ang isinagawang debriefing sa lahat ng mga rumesponde.










