
May patama si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa nakalipas na administrasyong Duterte sa kick-off rally ng Alyansa para sa Bagong Pilipinas.
Sa kaniyang talumpati, iginiit ng pangulo na lahat ng napili niyang kandidato sa pagka-Senador ay may magandang track record.
Wala aniyang bahid ng dugo ang mga kamay nito dahil sa oplan tokhang at hindi sangkot sa katiwalian noong panahon ng pandemya.
Tila pinatamaan din ng pangulo ang dating administrasyon na malambot sa China sa kabila ng mga ginagawang karahasan sa mga Pilipino sa West Philippine Sea (WPS).
Banat pa ng pangulo, sa ilalim ng kaniyang tiket ay walang nagsusulong ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) na naging dahilan ng paglipana ng krimen at paglapastangan sa mga kababaihan.
Maging ang kontrobersiyal na lider ng isang religious group na malapit sa dating administrasyon ay hindi nakaligtas sa banat ng pangulo na malayo sa kalibre ng mga kandidato ng administrasyon.
Kaya naman panawagan ng pangulo sa mga Pilipino na maging matalino sa pagboto para hindi na bumalik ang bansa sa ganitong klaseng pamamahala.