
Tumanggi muna ang defense team na magkomento sa hiling ng House prosecution team na pabuksan na ang kahon na isinumite ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na naglalaman ng mga tax records ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Defense Panel Spokesperson Atty. Michael Poa, tutugon sila kaagad sa manifestation ng prosekusyon at hintayin na lamang ang kanilang formal response o reply dito.
Hindi rin makapagbigay ng detalye o timeline si Poa sa kanilang magiging tugon sa manifestation ng House prosecution team.
Nilinaw naman ni Poa na magkaiba ang pagtutol nila sa pagsasapubliko ng assets at sa BIR box na naglalaman ng mga tax records ni VP Sara.
Paliwanag ni Poa, iba ang katwiran nila doon sa assets ng bise presidente dahil mayroong naunang desisyon ang Korte Suprema sa Duterte vs House of Representative (HOR) case na saklaw lang dapat sa pagkwestyon ng mga assets ay ang mga panahong nakaupo si Duterte bilang bise presidente at ito ay mula sa taong 2022 hanggang sa kasalukuyan.
Ibig sabihin, anumang pagkwestyon sa mga assets o pagmamay-ari ni VP Sara sa panahong hindi ito nakaupo sa isang impeachable office tulad ng pangalawang pangulo, hindi ito dapat kasali sa reklamo o sa kaso.










