Friday, June 26, 2026

Senate Impeachment Court, dapat patigilin ang prosekusyon at depensa sa paglalabas ng komento tungkol sa merito ng impeachment case ni VPSD

Iminungkahi ni Senator Ping Lacson sa Senate Impeachment Court na payuhan ang House prosecution team at ang defense team na tigilan ang pagkokomento sa merito ng lilitising impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte (VPSD).

Puna ni Lacson, hindi pa man nagsisimula ang impeachment trial sa July 6 ay mayroon nang nangyayaring hiwalay na paglilitis mula sa opinyon ng publiko.

Binigyang-diin ni Lacson na kailangang maprotektahan ang integridad ng proceedings at iwasan na malitis ang mga impeachment cases sa korte ng public opinion.

Nilinaw naman ni Lacson na ang kanyang pangamba ay nakatuon lamang sa merito ng kaso at walang kinalaman sa paglalahad ng proseso at iba pang kaparehong impormasyon na maaaring isapubliko.

Tinapos na kahapon ang pre-trial conference ng impeachment court kung saan nagbigay na ang prosecution at defense panels ng listahan ng mga ihaharap nilang testigo at nagmarka na rin ng mga dokumento na balak nilang iharap bilang ebidensya sa gitna ng impeachment trial.

Facebook Comments