Monday, June 22, 2026

PCG, naka-heightened alert na sa mga lugar na maaapektuhan ng Bagyong Francisco

Patuloy ang paghahanda ng Philippine Coast Guard (PCG) sa inaasahang pananalasa ng Bagyong Francisco.

Ayon kay PCG Spokesperson Commodore Noemi Cayabyab, layon nitong masiguro ang kaligtasan at seguridad sa mga lugar na dadaanan ng bagyo.

Sa ngayon aniya ay hindi na muna pinapayagang maglayag ang mga bangka at iba pang sasakyang pandagat sa Batanes, hilagang bahagi ng Cagayan, at Babuyan Island na kasalukuyang nasa ilalim ng Tropical Cyclone Wind Signal No 1.

Bukod sa pagbabawal sa paglalayag, naka-heightened alert na rin ang Coast Guard Northeastern Luzon at inihanda na ang deployable response group na kinabibilangan ng mga rescuer, medical personnel at mga sasakyang pangresponde sa sakuna.

Nakikipag-ugnayan na rin ang PCG sa mga lokal na pamahalaan para mapabilis ang pag-responde sa mga lugar na mangangailangan ng paglilikas ng mga residente.

Facebook Comments