Monday, June 22, 2026

Pagpresenta ng bagong ebidensya ng prosekusyon kaugnay ng kasong graft, tinutulan ng kampo ni Duque at Lao

Titunutalan ng legal counsel nina dating Department of Health (DOH) Sec. Francisco Duque III at dating Department of Budget and Management (DBM) Usec. Christopher Lao, ang pagpepresenta ng umano’y mga bagong ebidensya ng prosekusyon sa pagdinig ng kasong graft sa Sandiganbayan 1st Division ngayong Lunes ng umaga, June 22 kaugnay ng umano’y anomalya sa pagta-transfer ng P41.46 billion halaga ng COVID-19 funds.

Ito ay dahil hindi umano nakasama ang nasabing mga bagong ebidensya sa marking ng exhibit sa pre-trial conference, ayon sa legal counsel ng mga akusado, bagay na taliwas naman sa sinasabi ng prosekusyon.

Para makasiguro, isinailalim sa berepikasyon ng korte ang mga nasabing bagong ebidensya para malaman kung kasali ba ito sa marking noong pre-trial conference o hindi.

Sa ngayon, hindi pa umano alam ng kampo ng mga akusado kung ano ang sinasabing mga bagong ebidensya, habang hindi naman nagbigay ng impormasyon sa media ang prosekusyon.

Isasalang sana ngayong Lunes ang Records Officer ng Commission on Audit (COA) na si Eljun Jumamil pero hindi na ito nagkaroon ng pagkakataong magsalita dahil sa nasabing pagtutol, habang tetestigo naman sa susunod na pagdinig ang imbestigador umano ng Office of the Ombudsman.

Facebook Comments